Quote

What is right f…

What is right for me may not be right for you.

Advertisements

Lungkot at Ligaya

Kami ay naatasang gumawa ng isang tula sa Fil3. Maaari kang pumili kung patungkol ba ang gagawin mo sa isang espesyal na tao, bagay, lugar o pangyayari sa iyong buhay. Ito ay tradisyunal na tula na kung saan mayroon itong sinusundang sukat. Nalika ko ito sa loob ng isang oras. Halina!

Lungkot at Ligaya

 

Apat na sulok ng madilim, maliit at mapanlinlang na kahon,

Nakita ang sarili na tumatangis, tila bihag ng kahapon.

‘Di ko mawari kung paano ako napunta sa gano’ng sitwasyon,

Basta ang tangi kong bitbit, pag-asa at malayang determinsayon.

 

Nagpupumiglas, nagtataka, gustong makaalpas sa nadarama,

Maglubid man ng buhangin, ‘di pa rin makatayo sa kama.

Pag-iisa, idagdag pa ang pighati, sila na’y nagsama-sama,

Sariling nasadlak, pilit hinihila ng aking mga kasama.

 

Nakasilip sa puwang ng kahon ang isang maliit na liwanag,

Pagbabadya ng direksyon at tulong, iyon aking naaaninag.

Magsisilbing mga ilaw sa’king karakter aking nababanaag,

Kanilang pagdating, tulad ng mga luha sa inang nahahabag.

 

‘Di mahulugang karayom ang aking pasasalamat sa kanila,

Pagtawa ko’y nadagdagan at kabutihan sa’kin ay pinadala.

Wala nang pighati sa puso at kalungkuta’y napalitan nila,

Panay maliligaya na lamang na ala-ala ang pila-pila.

 

Salamat, maraming salamat, sa aking bibig ito’y lumabas,

Mga kaibigan kong iingatan kahit maubos man ang perlas.

‘Di ko kayo ipagpapalit, pumuti man ang uwak at maagnas,

Hawak-kamay nating tatahakin ang matuwid at tamang landas.

Ang Kwento sa Likod ng “Shutters”

July 19, 2013– Friday. Ordinaryong araw na naman.

 

Naku. Patay. Modern Geometry na naman. May assignment pa naman dun. Wala pa kong nagagawa. So kailangan kong pumasok ng maaga para magtanong tanong at magpaturo dun sa mga mas nakaaalam kung paano gagawin.

 

Oooh. Quiapo day pa pala. Kelangan talagang maaga akong makaalis ng bahay. 4am nagising ako. NagOnLine saglit para isearch sa internet ang homework sa MG. Kahit papaano, may nakuha naman ako. Pero di pa sapat.

 

 

Biyahe.. Biyahe.. Biyahe.. As usual, maaga na naman akong nakadating ng  school. 5:58am to be exact. Pero bago ako pumasok ng school, bumuli muna ako ng limang pisong mentos sa harap ng pamantasan– at ito’y nakaugalian ko nang gawin. Kilala na nga ata ako nung kuyang nagtitinda dun eh. Pag tumatawid kasi ako, lagi na siyang nakatingin sakin. At ang mga tingin na yun ay para bang nagsasabi na “bumili ka na dito”.

 

6am. Nasa Main Building 3rd floor, Math Wing na ako. May nag-iisang upuan sa harap ng MB310. At dun ako umupo. Nilabas ko ang cellphone ko para magOL at i-tweet na nasa school na ako. Sunod ay nagsalamin ako sa tabi ng department. Tapos bumalik nako sa upuan ko at kinuha ang aklat ko sa World Literature. Kinuha ko ulit ang aking cellphone at nagpatugtog ng mga kanta. Kasabay nito ang pagdating ng professor namin (Dr. Fortes) sa aming first subject na Moden Geometry. Mga bandang 6:10am na yun.

 

Ang aga naman ni ma’am!

Sabi ko yan sa loob loob ko. Aw. Recitation na naman. At naalala ko na pangalawa pala akong sasagot sa recitation na naputol nung nakaraan. PATAY talaga. Ayun.

 

“Good morning po maam.” Sabay bow.

 

Naglakad si maam papunta sa department at kanya nang bubuksan ang shutters nito– siya talaga ang nagbubukas ng department. Syempre, di ako nagdalawang isip na tulungan siya sa pagbubukas. Nilapitan ko siya at nag-alok ako ng tulong. Kinuha ko ang susi at binuksan ang padlock nito. Binalik ko ang padlock sa kanya. Ito na ang struggle sa parte ni maam. Ang pagtataas ng shutters. Tinulungan ko siya. Inangat namin ito. Nagpasalamat si maam. At tuluyan nang umakyat sa department.

 

Nadumihan ang kamay ko. Pero di ko pinahalata kay maam. Ayoko nang bumaba sa CR para hugasan ang mga kamay ko. Kaya nag-hintay na lang ako ng classmate kong may dalang alcohol. Ayan na. Nagsidatingan na ang aking mga kaklse. Dumating na din si Master at sa kanya ako nanghiram ng alcohol. Buti ay dumating na sila para matanong ko na kung anong dapat gawin sa aming homework. Di ako nabigo at nalaman ko din!

 

7:10am. Bumaba si Dr Fortes. Naghanda na ang lahat dahil start na ng klase. Nagstart na ring pumasok sa tiyan ko ang mga paru-paro. Inayos saglit ang laptop, projector at ang smartboard. Heto na. Nagsimula na.

 

Nagpaturo pa muna ang aking katabi kung anung dapat gawin. At heto na nga. Unang tinawag si Grace D. (katabi ko). Sumunod ay ako na. Ang tanong sakin ay kung tama ba ang sagot ni Grace. Ang una kong sagot ay hindi kasi may maling angle. Pero namalik-mata lang pala ako, akala ko kasi mali. Kaya agad kong binawi ang aking sagot– tama naman. Pero napaisip ako at binago ko ulit. Mali naman ang sabi ko kay maam.

 

Sabi ko, may kulang na term sa sagot ni Grace. Nagtanong nang nagtanong nang nagtanong nang nagtanong nang nagtanong si Maam. OMG. Hindi ko na alam ang mga pinagsasabi ko. Kaba. Takot. Tuwa. Halos umiyak na’ko nang mga oras na yun. SWEAR! Nagpapasalamat talaga ako kay Clang kasi tinuturuan niya ko sa kung ano ang mga dapat kong sabihin kay maam. Whew. Pagtapos ng ilang minuto–40mins, eh tumama din ang aking sagot! Yun lang pala ang gusto ni maam. Ang definition ng sine law.. Para bang nabunutan ako ng tinik sa aking balun-balunan!

 

Nung umupo na’ko, nagkwento pa si maam. Di ko inaasahan na sasabihin niya ang mga nangyari nung umaga ng araw na iyon. Kinwento ni maam na tinulungan ko siya sa pag-angat ng shutters. Nagpasalamat si maam sa’kin at ako ay pinalakpakan ng aking mga kaklse. Lubos lubos ang pasasalamat ni maam sakin na hindi ko akalain na gagawin niya yun sa buong klase. Siyempre, sobrang tuwa ko nun. Sinabi ni maam na bawing-bawi yung pagtayo ko ng 40mins dahil sa pagtulong ko sa kanya sa pag-angat ng shutters. Wiw.

 

 

Kakaibang ligaya. Napalitan ang kaba ng saya. Hindi inaasahang tuwa sa kabila ng takot. Lubos ang pasasalamat ko kay Lord kasi maaga akong pumasok nun. Kung hindi dahil dun, wala, patay na’ko kay Maam. VERY VERY THANKFUL. 🙂

 

 

Hinding hindi ko ito malilimutan.